Pages

Tuesday, May 29, 2012

Legend of the Onion (Tagalog)

     Noong araw, may isang bayan kung saan ayaw nang tumilaok ng mga tandang. Tuwing 
umaga, nagigising ang buong bayan sa malakas at nakayayamot na pag-atungal ng isang 
batang babae na kung tawagin ay Sibuyan. Laging umiiyak si Sibuyan, kahit hindi naman 
siya nalulungkot o nasasaktan. Sa halip na magsabi ng kaniyang mga ayaw at gusto, mas 
hilig talaga ni Sibuyan ang ngumuyngoy at mag-alburoto. Kapag ayaw niya ang inihandang 
pagkain, bigla na lang siyang magmumukmok at ngangawa –Kapag gusto naman niya ang 
bagong laruan, bigla na lang siyang magmamaktol at hihiyaw –Kapag ayaw niyang maligo 
sa ilog, (kahit dinudumog na siya ng sandamukal na bangaw), bigla na lang siyang 
maglulupasay at hahagulgol –Sa gabi, tumanggi nang humuni ang mga kuliglig. Halos 
magdamag kasi ay walang humpay pa rin ang pag-iyak ni Sibuyan. Kaya naman ang mga 
taong-bayan ay laging puyat, hihikab-hikab at nangangalumata. Sa kabilang banda, 
tilawala namang magawa ang mga magulang ni Sibuyan. Kahit natataranta,humahangos 
agad sila sa anak upang aluin ito tuwing siya’y umiiyak. Ngunit ang hindi nila alam, hindi 
pala totoo ang mga pag-iyak ni Sibuyan !Nagkukunwari lang itong umiiyak upang matawag 
ang pansin ng kaniyang mga magulang. “Isang hikbi ko lang, takbo agad sila!” ang nakangising 
sabi ni Sibuyan sa sarili. Kaya naman kahit mamaga ang mga mata, mamaos ang boses, 
at mababad ng luha ang paboritong malong na pula, patuloy lang sa pagngawa ang batang 
iyakin. Isang gabi, gustong maglaro ni Sibuyan sa kagubatan, ngunit kahit anong pilit niya’y 
hindi siya pinayagan ng kaniyang ama. Kaya nagdadabog siyang bumaba ng bahay at 
umatungal –Sa sobrang lakas ng palahaw ni Sibuyan, umalingawngaw ito hanggang sakaitaas-taasang lupalop ng kalangitan. Nagambala tuloy si Dumilat, ang Diwata ng Luha, na 
kasalukuyang abala sa paghikbi at paglikha na luha. “Mukhang hindi na talaga magbabago 
itong si Sibuyan,” wika nito habang inaaninag ang batang iyakin mula sa malaking kawa ng 
luha na tinitimpla niya.

     Sa isang kisapmata, lumitaw sa harap ni Sibuyan and kabigha-bighaning diwata na may 

tatlumpu’t tatlong mga mata.“Nawawalan ng kahulugan ang mga luha tuwing imiiyak ka 
nang walang dahilan!” bulyaw ng diwata.“Umiiyak po ako kapag gusto kong mapansin!” 
sabad ni Sibuyan. “Hindi ka na sanggol para idaan sa pag-iyak ang lahat ng bagay!” “E, kasi, 
mas mabilis ko pong nakukuha ang mga gusto ko pag umiiyak ako,” ismid ni Sibuyan.
Napailing na lang ang diwata. “Sinayang mo ang mga luhang nilikha ko! Kailangan kang 
parusahan! Mula ngayon… hinding-hindi ka na makakaiyak!” Pagkasabi nito’y sabay-sabay 
na kumislap ang tatlumpu’t tatlong mga mata ni Dumilat at bigla na lang siyang naglaho. 
Kinabukasan, hindi mabatid ni Sibuyan kung totoo o panaginip lang ang pag-uusap nila ng 
diwata. “Mabuti pa’y subukan ko kung kaya ko pang umiyak.”Huminga nang malalim si 
Sibuyan, ibinuka ang bibig, at sinubukang umiyak –Paulit-ulit itong ginawa ni Sibuyan, 
ngunit walang atungal na lumabas sa kaniyang bibig! At wala ring luhang tumulo mula sa 
kaniyang mga mata! Nagkukumahog na umuwi si Sibuyan. Hindi niya tuloy napansin ang 
nakausling bato sa daan kaya’t siya ay nadapa. Namilipit sa sakit si Sibuyan habang hinihipan 
ang sugatang tuhod. Ngunit ang nakapagtataka, hindi siyaumiyak – kahit nasaktan siya, 
at kahit totoong-totoo ang sakit na nararamdaman niya!Sa paglipas ng mga araw, naging 
malinaw kay Sibuyan na nagkatotoo nga ang sumpa ng diwata. Nang mawala sa gubat 
ang paborito niyang manyika, nang lumipat ng bayan ang kaibigan niyang si Mayumi, at 
nang mamatay sa katandaan ang alaga niyang asong si Busog – walang tumulo kahit isang 
patakng luha mula sa kaniyang mga mata. Kahit gaano pa ang lungkot na kaniyang 
naramdaman, hindi na niya kayang umiyak. At dahil hindi na nga makaiyak si Sibuyan, 
nagsimulang tumahimik sa buong bayan. Tuwing gabi, hindi na namamalayan ng mga tao 
na nakakatulog na sila nang mahimbing habang ipinaghehele ng huni ng mga kuliglig.

     Tuwing umaga naman, maaliwalas na rin ang kanilang paggising sa masayang pagtilaok 

ng mga tandang. Samantala, walang sino mang nakapansin na may kagila-gilalas na 
nangyayari kay Sibuyan. Tuwing hindi siya makaiyak, unti-unti siyang bumibilog at 
tumataba. “P- parang naiipon ang mga luha sa katawan ko!” sabi niya sasarili habang 
hinihimas ang mapintog niyang tiyan. Pagsapit ng kabilugan ng buwan, biglang may 
tumubong mga ugat sa mga paa ni Sibuyan. “Diwatang Dumilat, patawarin n’yo na po ako!” 
ang paulit-ulit niyang hiyaw sa kalangitan. Ngunit tila huli na ang lahat- mabilis pang 
lumago ang mga ugat, kasunod ang pag-usbong ng pahabang dahon sa kaniyang ulo,
hanggang unti-unting nagbago ang kaniyang anyo! Kinabukasan, kasabay ng walang-patid 
na tilaok ng mga tandang, narinig ang tarantang sigaw ng mga magulang ni Sibuyan: 
“Nawawala si Sibuyan! Nawawala si Sibuyan!”Agad na nagtipon ang lahat at tulong-tulong 
nilang ginalugad ang buong bayan. Kung saan-saang sulok nila hinagilap si Sibuyan ngunit 
sadyang hindi nanila ito natagpuan. Nanlulumong umuwi ang mga magulang ni Sibuyan. 
Pagsapit sa bahay, saka lamang nila napansin ang isang kakaibang halaman na umusbong 
sa paanan ng kanilang hagdan. “Ano kayang halaman ito? Bakit kaya diyan tumubo? Tila 
nagpapapansin! Agad nila itong hinukay upang ilipat ng lugar. Nagulat ang mag-asawa 
nang makita nila ang bilugang bungang-ugat ng halaman – tila may tapis na pula, katulad 
ng paboritong malong na pula ni Sibuyan! Ayon sa alamat, ang kakaibang halaman na ito 
ay si Sibuyan, at ito ang naging kauna-unahang “sibuyas.” Ngayon, tuwing hihiwain natin 
ang sibuyas, napapansin ba ninyong na lumuluha tayo nang wala namang dahilan? Ito raw 
ang mga luha ni Sibuyan nakumakawala sa hangin at lumilipat sa ating mga mata. Kaya 
tuwing umiiyak tayo habang naghihiwa ng sibuyas, pinalalaya natin sa wakas ang mga 
isinumpang luha ni Sibuyan.

No comments:

Post a Comment